PART 2: Ang Liham ng Huling Hiling

Mariing hinawakan ni Atty. Villanueva ang mga papel na hawak niya. Tumingin siya sa buong simbahan, saka ibinaba ang tingin kay Marco na ngayon ay namumutla na at hindi na mapakali sa kanyang kinauupuan. Sa tabi niya, si Andrea ay bahagyang kumalas ang hawak sa braso ni Marco, tila naramdaman din ang bigat ng tensyon sa paligid.

“Bago ang lahat,” panimula ni Atty. Villanueva, “nais ko munang linawin na ang dokumentong ito ay legal, notarized, at personal na ipinagkatiwala sa akin ni Gng. Marisol Reyes-Santos tatlong araw bago ang kanyang kamatayan. Alam niya ang kanyang ginagawa. At buo ang kanyang katinuan.”

Tumikhim ang abogado at nagsimulang basahin ang mga nakasulat:

‘Para sa aking pamilya, sa aking mga magulang, at lalo na kay Marco, ang aking asawa…

Kung binabasa man ito ng abogado ko ngayon, ibig sabihin ay huli na ang lahat para sa akin. Ibig sabihin ay hindi na ako umabot. Pitong taon tayong nagsama, Marco. Pitong taon akong naging bulag sa mga panahong pinili mong itapon ang ating pangako para sa pansamantalang kaligayahan. Natahimik ako hindi dahil duwag ako, kundi dahil naghintay ako. Naghintay akong matauhan ka. Ngunit ang pinakamasakit ay hindi ang pagtataksil mo — kundi ang kawalan mo ng respeto hanggang sa huling sandali ng buhay ko.’

Napatayo si Marco sa kanyang upuan. “Ano ito?! Kalokohan ito! Kasinungalingan!” sigaw niya, basag ang boses at nanginginig ang buong katawan habang nakatingin sa mga taong nakapaligid sa kanila. “Patay na ang asawa ko! Sinasamantala ninyo ang pagkakataon para siraan ako!”

“Maupo ka, Marco!” mariing utos ng tatay ko na sa wakas ay tumayo na rin, ang mga mata ay naglalabas ng galit na matagal niyang kinupkop. “Hayaan mong matapos ang abogado!”

Hindi nagpatinag si Atty. Villanueva. Tinaas niya ang kanyang kamay upang patahimikin ang bulung-bulungan sa simbahan at nagpatuloy sa pagbabasa:

‘Alam kong narito ka ngayon, Marco. At malamang na kasama mo ang babaeng dahilan kung bakit nawalan ng tahanan ang ating anak. Huwag kang mag-alala, hindi ako magtatanim ng galit na walang patutunguhan. Sa halip, may mga regalong iniwan ako para sa bawat isa sa inyo.

Una, tungkol sa bahay na tinitirhan natin. Ang titulo ng lupang iyon ay nakapangalan sa aking mga magulang bago pa man tayo ikasal. At ayon sa huling huling hiling ko, pinalitan ko ang pangalan ng nagmamay-ari nito sa munisipyo. Simula sa araw na ito, wala kang karapatan ni isang dangkal sa lupang iyon, Marco. Kayo ng kasama mo, maaari na kayong umalis bago lumubog ang araw.’

Namilog ang mga mata ni Marco. “Walang hiya ka, Marisol!” sigaw niya, halatang nakalimutan na nasa loob sila ng simbahan. Ang kanyang mukha ay namumula na sa galit at hihiya habang ang mga kapitbahay at kamag-anak ay nag-uumpisang magbulungan at magturuan sa kanila ni Andrea. Si Andrea naman ay napaatras, nakatingin kay Marco na parang ngayon lang nakita ang tunay na anyo nito.

“Hindi pa tayo tapos,” seryosong wika ng abogado, sabaylipat ng pahina. “May ikalawang bahagi ang testamento na mas mabigat pa.”

Natahimik ang buong simbahan. Ang tanging naririnig ay ang mahinang iyak ng nanay ko at ang mabibigat na paghinga ng mga taong nakapaligid.

‘Para naman sa aking kompanya at sa mga ipon sa bangko na pinagpuyatan ko…

Marco, alam kong inaasahan mong mapupunta sa iyo ang lahat ng ari-arian ko dahil ikaw ang aking legal na asawa. Ngunit nakalimutan mo ang isang mahalagang batas ng tao at ng konsensya. Isang linggo bago ako mawalan ng malay sa hagdan, nakapagsampa na ako ng kasong Concubinage at Economic Abuse laban sa iyo sa tulong ng aking abogado, kalakip ang mga ebidensya — mga litrato, resibo ng mga binili mong condo para sa iyong kabit gamit ang pera ng ating negosyo, at ang mga dokumento ng paglilipat mo ng pondo.

Dahil dito, ang lahat ng ari-arian ko ay hindi mapupunta sa iyo ni isang sentimo. Idineklara ko sa ilalim ng batas na ikaw ay ‘unworthy’ o hindi karapat-dapat na magmana.’

“Sinungaling! Sinungaling ang abogadong ‘yan!” sigaw ni Marco habang akmang aakyat sa altar para hablutin ang mga papel. Agad siyang pinigilan ng dalawang pinsan ko na mabilis na sumugod at pinigilan siya sa braso, itinulak pabalik sa upuan.

“Huwag na huwag kang aakyat dito kung ayaw mong lumabas ng simbahang ito na nakagapos,” babala ni Atty. Villanueva nang hindi man lang natitinag. “May huling bahagi pa para sa iyong kabit, at para sa tunay na dahilan ng pagkamatay ni Gng. Marisol.”

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *